


Saludo kami sa inyo: Kilalanin si G. Allen Reynaldo M. Legazpi
Last published in CLASIKO May - November 2005 by Raissa Rowena Ocampo
Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba. Kung minsan nasa iyo ang tagumpay, minsan nasa iyo ang kamalasan. Basta't madiskarte ka, mapupunta rin sa iyo ang alas, samahan pa ng konting dasal.
Ating kilalanin ang kasalukuyang Laboratory Technician ng LaPiS, walang iba kundi si G. Allen Reynaldo M. Legazpi o mas kilala bilang Sir Allen, bansag sa kanya ng mga LaPiSta at ng iba pang mag-aaral ng Sikolohiya na pumapasok ng LaPiS. Siya ay nagtapos ng BS Psychology noong 1992 sa Siliman University. Aniya, engineering talaga ang una niyang kurso, ngunit nang bumabagsak na siya sa Calculus, pinayuhan siya ng kanilang guidance counselor na mag-shift na lamang sa BS Psychology. Mula noon ay nagustuhan na niya ang kurso.
Bilang isang mag-aaral, aminado si Sir Allen na mahilig siyang mag-cram sa kanyang pag-aaral. Halimbawa, kung ngayon ang pagsusulit, ngayong araw din siya mag-aaral. Ngunit sa mga asignatura na kinakailangan ng memorya o ng pagkakabisa, nagbibigay siya ng isa hanggang dalawang linggo para magkabisa, banggit pa niya, tulad ng BIOPSYC.
Isa sa mga masalimuot niyang karanasan noong kolehiyo ay noong kinakailangan niyang lumipat ng kurso. Pakiramdam niya ay gumuho ang kanyang mundo. Ganoon niya inidolo ang kanyang ama, na isang inhinyero. Like father like son ika nga.
Noong kolehiyo rin kasabay ng kanyang pag-aaral ay mayroon siyang sinalihan na fraternity. Hindi ito ang pangkaraniwang fraternity na binabalutan ng karahasan tulad ng hazing. Ang fraternity na ito ay maihahalintulad sa community service na kung saan tumutulong siya sa pagpapalago ng pondo upang maibigay sa mga preso, city jail man o provincial jail.
Dagdag pa niya, bago pa siya magtapos ng kanyang kolehiyo, taon ng 1991 ay pumasok siya sa Catholic Movement na nagmula pa sa Italy. Hanngang ngayon, aktibong boluntaryo pa rin siya rito. Aniya, ang kilusan na ito ay naglalayon na pagbuklurin o pagkaisahin ang mundo. Dagdag pa niya, pinag-uusapan nila dito ang kanilang mga karanasan.
Matapos ng kanyang kolehiyo ay namalagi muna siya sa kanilang kilusan ng dalawang taon, ngunit napagtanto niya na wala doon ang puso niya para maging isang misyonaryo. Kung kaya napag-isipan niyang maging isang guro at magkaroon ng sariling pamilya.
Walong buwan siyang namalagi sa Tagaytay, hindi lang para ipagpatuloy ang hangarin sa kilusan ngunit upang magtrabaho sa isang carpentry shop. Nabilang siya sa handricrafts section at unti-unti nang kumita.
Lingid sa kaalaman ng lahat, natanggap siya sa Dunkin Donuts sa Cagayan de Oro para maging panadero, ngunit pinili niyang huwag tumuloy dahilan sa kalayuan ng lugar. Aniya, pili ka na lang ng ibang options, huwag lang ang psychology baker. Sa hirap ng paghahanap ng trabaho, nakipagsapalaran si Sir Allen at noong taong 1995, mayroon isang agency na naghahanap ng Psychology graduate at pinapunta siya agad sa DLSU at doon na nag-apply. Panahon ng tag-araw siya nag-aaply at nagustuhan naman siya ng Registrar. Mula noon ay naging maganda ang kanyang performance at tinanggap siya bilang isang Faculty Attendance Checker.
Kahit na mukhang seryoso sa panlabas, lingid sa kaalaman ng lahat, mahilig siya maglaro ng
basketball at marami din siyang hinahangaan na mga basketbolista gaya nila Jaworski, Lastimosa, Pumaren at paborito daw niya si Dignadise. Bukod sa basketball, ay mahilig din siyang magbasa na may kaugnayan sa kalusugan gaya ng health digest at reader’s digest; basta huwag lang daw iyong makakapal na libro.
Masaya siya bilang kabiyak ng kanyang misis na 27 anyos gulang. Aniya, "parang dito yung kapalaran ko." Mayroon silang dalawang anak, apat na taon ang panganay habang ang isa ay isang taong gulang pa lamang. Wala silang problema sa pera ngunit nahihirapan sila sa pagkuha ng katulong upang mabantayan ang kanilang mga anak.
Sa dami ng kanyang mga pangarap, natatakot siyang tumanda. Aniya, I'll look old, ninipis buhok ko. Pangarap niya na sa DLSU niya paaralin ang kanyang dalawang anak dahilan na rin sa pribilehiyo na pwedeng magpaaral ng hanggang dalawang anak basta matamo lang ang
kwalipikasyon.
Isa rin sa mga hangarin niya na magtapos ng kanyang masters, magtapos ng law o kumuha ng cognitive psychology sa gradwadong pag-aaral. Ninanais din niyang bumalik ng probinsya, dagdag niya, "there is no place like home." Nais din niyang magturo ng Sikolohiya sa Siliman na kung saan hindi siya nalalayo sa kanyang pamilya. Dagdag pa niya, "I don't think anymore of myself, para sa mga anak ko na lang." Hindi lang niya iniisip ang pansariling mga pangarap, kundi pati na rin ang mga pangarap niya para sa kanyang mga supling.
Bilang pagtatapos, payo niya sa mga mag-aaral: “Kailangan masunurin kayo sa magulang niyo, kasi sila rin nagbibigay ng future niyo. Kung nag-aaral kayo ngayon, pagbutihan niyo yan kasi yan ang reality niyo ngayon. Kung mahirap o hindi, it's still part of the process. After you graduate, mas mahirap pa eh kasi iba-ibang tao maeencounter, iba-iba ugali nila. Kailangan ng pasensiya. Don’t forget that there's God, kung wala na talagang malapitan.”