top of page

Ika-39 na Pambansang Kumperensiya ng PSSP, matagumpay na idinaos

Posted November 23, 2014 by Nica Basco

Matagumpay na idinaos ang ika-39 na Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino noong Nobyembre 20-22 sa Pamantasang De La Salle sa pangunguna ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), DLSU Psychology Department, Samahan ng mga Mag-aaral sa Sikolohiya (SMS) at Alyansa ng mga Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino (TATSULOK). “Pinoy Values: Mula Pagpapakatao tungo sa Pakikipagkapwa-tao” ang naging tema ng pambansang pagpupulong na dinaluhan ng mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan at organisasyong pangsikolohiya.

 

Sa pagbubukas ng Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino, taos-pusong sinalubong ni Dr. Julio Teehankee at Dr. Laurene Chua-Garcia ang mga dumalo rito. Hindi rin nagpahuli si PSSP President Prop. Jay A. Yacat sa pagbibigay ng pambungad na mensahe. Nagbahagi rin ng kaalaman si Prop. Ma. Angeles “Maeyet” Guanzon-Lapeña bilang pangunahing tagapagsalita. Sinundan ito ng pagbubukas ng unang plenaryong sesyon na tampok ang pagsusuri sa pagdadalumat at pananaliksik sa Pinoy values.

 

Nagkaroon ng mga sabayang sesyon sa ikalawang araw ng Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino na nagbigay diin sa mga isyu tulad ng relasyong panlipunan, kabataan, pulitikal, LGBT, at sikolohiya ng mga katutubo. Nagmula sa iba’t ibang unibersidad ang mga naging tagapagsalita tulad nina Eric Julian Manalastas ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Teresita T. Rungduin ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, Efren Lorenz Tigas ng The Johns Hopkins University at Hadji Balajadia ng Ateneo de Davao University. Nagbahagi rin ng kanilang kaalaman ang mga propesor ng Pamantasang De La Salle kagaya nila Homer J. Yabut at Katrina C. Fernando.

 

Nagpatuloy ang mga learning session sa ikatlong araw na nagbigay sentro sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa mga metodo ng pananaliksik sa oryentasyon ng kapwa, sikolohiya ng kapwa, pagsasaayos bilang konseptong pulitikal at pagkilala sa sariling pagkatao.

 

Mas pinagtibay at pinalakas ang pagsasagawa sa ika-39 na Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino. Layunin ng nasabing pagpupulong na palaguin ang kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa Sikolohiyang Pilipino at mga kaugaliang Pilipino. Nagsisilbi ring pagkilala sa mga kontribusyon ng Ama ng Sikolohiyang Pilipino na si Dr. Virgilio Enriquez ang pambansang pagpupulong na ito. 

Please reload

Samahan ng mga Mag-aaral sa Sikolohiya

De La Salle University - Manila 

 

ABOUT

 

Samahan ng mga Mag-aaral sa Sikolohiya (SMS) is the premier professional student Psychology organization of De La Salle University (DLSU).

 

"More than just an org, more than a family; it's a way of life."

 

    DISCLAIMER

     

    All views, comments, articles or posters expressed in this website are of SMS and Clasiko's committee members and editorial board, and does not in any way represent the general views of De La Salle University - Manila.

     

    Copyright © 2014 Clasiko. All Rights Reserved.

    bottom of page