top of page

Malaya at mapagpalaya

Posted August 9, 2014 by Ian Benedict Mia

Saan nga ba nalalagay ang Sikolohiyang Pilipino sa panahon ngayon? Sa mga psychology majors, alam natin na ang pangunahing perspektibo ng Sikolohiya sa mga kolehiyo at unibersidad ay ang Western Psychology. Sa paglabas natin sa kolehiyo at pagpasok sa kanya-kanyang mga trabaho, mananaig pa rin ang pag-iisip na ito nang hindi natin namamalayan. Dahil patungo sa pagiging research-centered University ang DLSU, nasanay na rin tayong magsulat ng mga pananaliksik gamit ang wikang Ingles at pag-iisip na Ingles.

 

Hindi ko sinasabing talikuran natin nang buo ang pag-aaral sa mga ito, ngunit bilang mga Filipino nararapat na mapagtanto rin natin at kuwestiyonin kung bakit Western Psychology ang pangunahing itinuturo sa akademya. Isa itong panawagan na kahit hindi tayo gaano magaling sa pagsalita ng wikang Filipino, nararapat lamang na bigyan pansin natin ito, dahil ito ang naiintindihan ng mas nakararami sa bansa.

 

Bago ang iba pa, ano nga ba ang pagkakaiba ng Filipino at Tagalog? Ayon sa isang blog ni Isagani Cruz, sa simpleng salita ang Tagalog, klasiks. Filipino, komiks. Yung mga tipong salita at sanaysay na nahahanap natin sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, iyon ang Tagalog. Ang Filipino naman ang karaniwang ginagamit natin sa pang araw-araw na pag-uusap o pagsusulat. Tiyak na karamihan sa atin hindi magugustuhan ang pagbabasa ng mga klasiks na isinulat ni Jose Rizal, dahil sa kalaliman ng mga salita at pangungusap na ginamit niya. Ano naman ang wika natin sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino?

 

Sa pamumuno ni Virgilio Enriquez at ng iba’t-ibang sikolohista, nabuo ang Sikolohiyang Pilipino noong mga 1970s. Bago pa man ito nabuo, sumailalim sa iba’t-ibang perspektibo ng sikolohiya ang Pilipinas katulad ng sa Espanyol, Hapon, Amerikano. German at iba pa. Pagdating ng 1970s, dito unang napagtanto ng mga sikolohistang Pilipino na kailangan mayroon sariling pananaw ang Sikolohiya ng bansa upang lubos maunawaan ang psyche ng mga Pilipino. Dito nabuo ang tinatawag natin na SIKOPIL (AB-PSM) o FILIPSY (BS-PSY), na nag-iisang kurso lamang na maka-Filipino sa kurikulum ng Sikolohiya sa DLSU.

 

Tinagurian din ito bilang sikolohiyang malaya at mapagpalaya dahil sa isang mahalagang rason. Malaya at mapagpalaya ito dahil binibigyan tayo nito ng panibagong kaisipan na makabayan at anti-kolonyal, kung kaya’t sa Ingles ito ay isang “liberating psychology.” Sa pamamagitan nito, mas nabubuksan ang ating kaisipan sa isang makabayang kamalayan o “national consciousness.” Bilang kabuuan, tinatalakay din nito ang pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

 

Nakalulungkot lamang isipin na hindi ito gaanong nabibigyan pansin, ngunit maraming pananaliksik na rin ang naisagawa ng mga psychology majors ng DLSU na nakatuon sa Sikolohiyang Pilipino. Isang magandang katangian ng SIKOPIL ay ang pagiging natural na pananaliksik nito na nais maghatid ng iba’t-ibang adbokasya. Hindi lamang ito pag-aaral sa mga pag-uugali ng mga Pilipino, ngunit kaakibat nito ang iba’t-ibang isyu ng lipunan. Dahil pakikipagkapwa ang isa sa mga pangunahing konsepto ng SIKOPIL, mas natututunan din natin makihalubilo sa kapwa natin Filipino.

 

Sa darating na thesis namin sa susunod na term, iba’t-iba ang interes ng mga kagrupo ko. Karaniwan na itong pagsubok sa lahat ng gumagawa ng thesis, dahil maaaring mayroon iba’t-ibang interes ang mga miyembro ng grupo. Ang isa sa amin, gustong gumawa ng thesis sa Sikolohiyang Pilipino. Ang isa, sa Industrial Psychology. Ako naman, mas gugustuhin ko pang gumawa ng thesis kung saan nagkukrus ang iba’t-ibang mga interes namin. Maaaring magamit ang Sikolohiyang Pilipino sa konteksto ng industriya, at vice versa. Sabi nga namin sa isa’t-isa, “Best thesis na yan!” Libre mangarap, at sana nga sa huling dalawang term ng taon ay matupad namin iyon.

 

Kung titingnan naman natin, ano naman ang kasalukuyang kalagayan ng iba pang asignaturang Filipino na itinuturo? Sa mga kamakailan lamang na balita, binuo ng Commission on Higher Education (CHED) ang CMO Memorandum No. 20 Series of 2013 kung saan nakasaad na mabubura na ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo, dala ng K to 12 program kung saan malilipat sa huling dalawang taon ng Senior High School (SHS) ang pagtuturo ng mga asignaturang Filipino na ito. Maraming grupong maka-Filipino ang kasalukuyang lumalaban sa bagong panukala nito ng CHED, kabilang na ang Tanggol Wika, League of Filipino Students at iba pa.

 

Ngunit, ayon naman sa New Lasallian Core Curriculum (NLCC) na binuo ng Academics Council ng DLSU, maaari pa rin gamitin ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo kung nanaisin ito ng mga propesor. Kabilang sa mga propesor na nagtuturo sa wikang Filipino na hindi galing sa Filipino Department ng DLSU ay sina Tereso S. Tullao Jr. ng Economics Department at Antonio Contreras ng Political Science Department. Pareho silang hinahangaan ng mga studyante dahil sa kanilang mahusay na pagtuturo ng kani-kanilang asignatura sa wikang Filipino.

 

Dito pa lamang ay makikita na natin kung gaano kahalaga ang wikang Filipino. Mas naiintindihan natin ang mga konsepto kung ituturo ito sa Filipino, dahil ito ang wikang kinagisnan na natin. Sa isang naganap na diskusyon ng NLCC na tinawag na “Kapihan,” isang propesor mula sa Filipino Department ang nagsabing isa sa mga dahilan nila sa patuloy na paglaban para sa wikang Filipino ay ang habilin ni Br. Andrew Gonzales, FSC, ang dating president ng DLSU mula 1979-1991 at 1994-1998. Hindi ko maalala kung paano niya tiyak na binanggit, ngunit ito ang pagpapanatili ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo at asignatura sa DLSU. Nabanggit din niya na isang rason kung bakit progresibo at mayaman ang ibang bansa sa Southeast Asia ay dahil ginagamit din nila bilang wikang propesyonal ang sarili nilang wika.

           

Ngayon, ano masasabi natin sa lagay ng Sikolohiyang Pilipino at Pilipino bilang kabuuan? Muli, hindi ko sinasabing buo natin talikuran ang Western Psychology o ang pag-iisip na naitanim na sa atin ng kolonyalismo, ngunit dapat nga ay mahusay pa tayo pareho sa Filipino at Ingles. Makatutulong pa ito sa atin. Gamit nito, mas magiging malawak pa ang pag-uusap at pakikihalubilo natin sa iba’t-ibang tao.

 

Sa susunod na tanggihan at laitin pa ng iba sa atin ang wikang Filipino, pag-isipan niyo: Hindi ba’t nagmumukha kang dayuhan sa sarili mong bayan?

 

Please reload

Samahan ng mga Mag-aaral sa Sikolohiya

De La Salle University - Manila 

 

ABOUT

 

Samahan ng mga Mag-aaral sa Sikolohiya (SMS) is the premier professional student Psychology organization of De La Salle University (DLSU).

 

"More than just an org, more than a family; it's a way of life."

 

    DISCLAIMER

     

    All views, comments, articles or posters expressed in this website are of SMS and Clasiko's committee members and editorial board, and does not in any way represent the general views of De La Salle University - Manila.

     

    Copyright © 2014 Clasiko. All Rights Reserved.

    bottom of page